Confirm Action

Are you sure you want to continue?

Baha, 'Lana? Atin Pa!

1,2,3, Go...Kaniya-kaniya na. BAHA-la na!—Isang nauusong Gen Z slang na sumasalamin ngayon sa sitwasyon ng mga Kapampangan. Nakalulungkot isipin na tila naiwan tayo sa gitna ng rumaragasang baha habang sila ay patuloy pa ring nakaupo at walang ginagawa. Iniwan sa atin ang mga pangakong proyekto na mananatili na nga lang bang multo ng nakaraan?
Nitong mga nagdaang araw, malalakas na pag-ulang dulot ng hanging habagat at bagyo ang humagupit sa lungsod ng Pampanga at ilang kalapit na probinsya. Sa isang iglap, katakot-takot na tubig ang sumira sa ilang mga bahay, kagamitan, at ari-arian ng mga tao.
Ilang pamilya rin ang napilitang lumikas dulot ng lagpas-taong baha sa ilang lungsod ng probinsya. Mayroon din namang mas piniling manatili sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at tiniis na lamang ang kalagayan. Isa itong katangian nating mga Pilipino na dapat ipagmalaki—ang pagiging matatag sa harap ng pagsubok. Ngunit may kaakibat itong katanungan: Bakit kailangang magtiis kung sa simula pa lamang ay hindi na dapat ito maranasan?
Maraming kabahayan ang hanggang sa ngayon ay nananatili pa ring lubog sa baha. Ang mga konkretong proyektong dapat sana'y nagpoprotekta sa mga tao laban sa baha ay mas nauna pang naanod at tinangay sa kawalan. Ito ba ay ganti ng kalikasan? O patunay ng kapabayaan at kasakiman ng mga nakaluklok sa kapangyarihan?
Hindi masusolusyonan ang problemang ito kung atin itong ipagsasawalang-bahala at kung patuloy na magkakaniya-kaniya. Hindi natin makakamit ang inaasam na kaginhawaan, kung paulit-ulit tayong magpapaloko sa matatamis nilang salita. Kaya naman, ngayong dumaranas tayo ng kahirapan at kagipitan, panahon na upang isipin natin at suriin kung tunay at tapat nga ba ang mga serbisyo nilang ibinibigay at kung tunay na ito'y para sa ating kapakanan.
Sapagkat sa bawat pagtaas ng tubig, hindi lamang mga tahanan ang nalulubog. Kasabay nito ang tiwala, pag-asa, at kinabukasan ng mga taong matagal nang naghihintay ng tunay na pagbabago. Hindi sapat ang "dasal" kung wala namang kasunod na pagkilos o pagtupad sa tungkulin. Huwag nating hayaang ang “BAHA-la na” ay maging sagot sa problemang matagal nang dapat nilutas.

9 views 0 likes 0 shares 1 PDF download
Download PDF
← Back to homepage